MANILA, Philippines - Sugatan ang 24-katao kung saan tatlo dito ang nasa malubhang kalagayan nang salpukin ng concrete mixer truck ang isang pampasaherong jeep habang nakapila sa pagbabayad sa toll booth ng north bound lane ng Nichols Exit ng South Luzon Expressway (SLEX) kahapon ng umaga sa Pasay City.
Isinugod sa Makati Medical Center ang tatlo sa mga biktima, 11 sa Parañaque Doctors Hospital, walo sa Medical City at dalawa sa Taguig-Pateros Hospital matapos ang insidente na naganap dakong alas-5 ng umaga.
Ayon kay SPO1 Marcelino Peralta ng SLEX Highway Patrol, nawalan ng preno ang mixer truck (PIZ-847) na minamaneho ng isang Julie Salazar, 27, habang patungo sa Makati City na naging dahilan upang suyurin nito ang jeepney na may plakang VAU-957 na minamaneho naman ni Ernesto Namo.
Lumabas sa imbestigasyon na galing ng Calamba, Laguna ang jeepney na puno ng pasaherong patungo ng Makati City nang salpukin ng truck mixer na umano’y nawalan ng preno habang palabas na ng SLEX. Aminado ang driver ng truck na 500 metro pa lamang ang layo sa Nichols Exit nang maramdaman niyang wala nang preno ang minamanehong sasakyan na naging sanhi ng pagsalpok nito sa jeep.
Nahaharap na ngayon si Salazar sa kasong reckless imprudence resulting to multiple physical injuries at damage to properties habang inaalam naman kung may pananagutan rin ang driver ng jeep dahil sa pampribado ang plakang nakakabit sa sasakyan.