Kamara ininspeksiyon sa SONA ni PNoy

MANILA, Philippines - Nagsagawa ng ocular ins­pection sa Kamara si Presidential Spokesman Edwin Lacierda para sa gaganaping ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Noynoy Aquino.

Si Lacierda ay sinalubong  ng mga opisyal ng Kamara sa pa­ngunguna ni House Secretary General Marlyn Yap kung saan nag-ikot sila sa plenary hall, north at south wing exit ng plenary upang siguruhin na nakalatag na ang lahat para sa ulat sa bayan ng Pangulo sa Hulyo 25.

Kaugnay nito, sinabi ni Lacierda na inililihis lamang umano ng oposisyon ang atensyon ng publiko sa mga kasong kinakaharap ngayon ni dating pangulong Gloria Arroyo kaugnay ng ibat-ibang katiwalian sa gobyerno.

Sagot ito ng Malacañang sa hirit ng oposisyon na pagpaliwanagin si Pangulong Aquino sa umano’y sumobrang campaign funds nito noong 2010 elections.

Sinabi pa ni Lacierda na ginagawa lang itong isyu ng oposisyon para maibato laban kay PNoy at sinabing accounted na ang lahat ng pondo noong kampanya ng Pangulo.

Bilang katunayan umano ay nakapagbayad na rin sila ng limang porsiyentong buwis sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at handa nilang ipakita sa publiko ang dokumento nito.

Show comments