MANILA, Philippines - Ipinag-utos ni Acting Ombudsman Orlando Casimiro na sibakin na sa serbisyo at permanenteng diskuwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno ang mga opisyal ng Local Water Utilities Administration (LWUA) kaugnay ng grave misconduct na kinakaharap ng mga ito sa tanggapan ng Ombudsman kabilang si LWUA Chairman Prospero Pichay.
Bukod dito, hindi na rin makukuha ng lahat ng benepisyo mula sa gobyerno ang mga kinasuhan na sina Chairman Pichay, Acting Administrator Daniel I. Landingin, Acting Deputy Administrator Wilfredo M. Feleo, at ang kanilang corporate legal officer na si Atty. Arnaldo Espinas.
Ang mga ito ay kinasuhan ng isang Rustico Tutol at iba pa dahilan sa pagbili ng LWUA sa Express Savings Bank kahit na walang memorandum of agreement (MOA) at pahintulot mula sa Monetary Board ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Ayon pa sa Office of the Government Corporate Counsel (OGCC) kailangan na sumailalim pa sa pagbusisi ng Department of Finance (DOF) ang mga transaksyon na tulad ng pinasok ng LWUA at ng nasabing bangko.
Sinasabing sa naganap na pagbili ng LWUA sa Express Savings Bank sa halagang P780 milyon, hindi umano ito umaayon sa kapangyarihan at polisiya ng pamahalaan.
Ang pagbili ng LWUA sa naturang bangko noong Oktubre 14, 2009 o apat na buwan matapos na mapasakamay na ng ahensiya ang Express Savings Bank ay inaprubahan ni dating Pangulong Gloria Arroyo.