MANILA, Philippines - Ipinababasura sa Korte Suprema ni dating Lucena City vice mayor Philip Castillo ang proklamasyon ng Commission on Elections kay Barbara Ruby Talaga bilang nanalong alkalde noong May 2010 election.
Sa ihihaing ‘extremely urgent petiotion for certiorari or prohibition’ ni Castillo sa SC, dapat rin umanong ideklara na stray votes ang mga boto na una nang nakuha ni dating Lucena City Mayor Ramon Talaga Jr., na idineklara ng poll body na diskuwalipikado sa pagkandidato, sanhi upang gawin nitong substitute candidate ang asawang si Barbara.
Sa isang media forum, sinabi ni Castillo na hiniling nila sa Korte Suprema na tingnan at gawing gabay sa naging desisyon sa Cayat vs. Comelec case, kung saan una nang diniskuwalipika ng poll body si dating Buguias, Benguet Mayor Nardo Cayat, may 23 araw bago ang halalan noong May 2004 elections.
Aniya, nasasaad sa SC en banc decision noong April 24, 2007 na dahil ikinukonsiderang disqualified si Cayat sa halalan, ay walang duda na ang katunggali nitong si Thomas Palileng, Sr. ang dapat na umupong alkalde ng Buguias at hindi ang nanalong Vice Mayor na si Feliseo Bayacsan.
Ayon kay Castillo, magkapareho ang kaso ni Cayat at ni Ramon Talaga, na una nang diniskuwalipika ng Comelec noong May 5, o limang araw bago ang halalan, dahil nakumpleto na nito ang kaniyang tatlong termino bilang alkalde ng lungsod.
Sinabi naman ni Atty. Antonius Collado, abogado ni Castillo, mali ang desisyon ng Comelec na paupuin ang nanalong Vice Mayor na si Roderick A. Alcala bilang alkalde ng lungsod alinsunod sa nasasaad sa rule of succession.
Nanindigan din ang abogado na dahil sa disqualified si Ramon Talaga, ay dapat ding ideklarang stray votes ang lahat ng botong nakuha nito, noong May 2010 elections at hindi na dapat pang ibinilang sa boto ng asawa nitong si Barbara.