780 lampayatot na estudyante, pakakainin

Manila, Philippines - May 780 na lampayatot (lampa at payat) o undernourished na mag-aaral mula sa limang public ele­mentary schools sa buong bansa ang inaasahang makikinabang sa supplemental feeding at nutrition program na napagkasunduang isagawa ng Department of Education (DepEd) at ng condiments manufacturer na Nutri-Asia, Inc.

Ayon kay Education Secretary Armin Luistro, ang naturang feeding program ay inialok ng Nutri-Asia at inaasahang maka­tutulong upang ma-improve ang school attendance at school performance ng mga mag-aaral na madalas na pumasok sa paaralan ng walang laman ang mga sikmura.

Iginiit ng Kalihim na mahalagang may sapat na nutrisyon ang isang mag-aaral upang mas madali itong matuto ng mga aralin.

Paliwanag ni Luistro, ang mga mag-aaral na ‘poorly nourished’ ay hirap na magpokus sa kanilang lesson at mas madalas na umabsent, na nauuwi sa pagtigil pa sa pag-aaral.

Ang supplemental feeding at nutrition program ay ipapatupad sa loob ng anim na buwan upang labanan ang malnutrition at maibalik ang kalusugan ng mga piling mag-aaral mula sa Bagong Ilog Elementary School sa Pasig; Banay-banay Elem. School sa Cabuyao, Laguna; Lias Elem. School sa Marilao, Bulacan; Subangdaku Elem. School sa Mandaue City, Cebu at Quimpo Elem. School sa Davao City.

Show comments