MANILA, Philippines - May 16 pang mga bagyo ang maaaring tumama sa bansa hanggang sa pagtatapos ng taong 2011.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), may kabuuang 21 hanggang 22 ang bagyong tatama sa bansa ngayong taong ito at may anim na bagyo na ang tumama sa bansa na ang pinakahuli ay ang bagyong Falcon.
Sa ngayon ay wala namang nakikitang senyales na may isa na namang bagyo na tatama sa bansa makaraang lumisan si Falcon na nag-iwan ng tatlong patay at P152.711 milyong pinsala sa mga ari-arian.
Ang anim na bagyo na tumama na sa bansa ngayong taon ay ang mga bagyong Amang, Bebeng, Chedeng; Dodong; Egay at Falcon. Samantalang kapag may mga bagong bagyo na tatama sa bansa ito ay tatawaging Goring, Hanna, Ieeng, Juaning, Kabayan, Lando, Mina, Nonoy, Onyok, Pedring, Quiel, Ramon, Sendong, Tisoy, Ursula at Viring.