MANILA, Philippines - Hiniling ng militanteng transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators nationwide (Piston) sa mga mambabatas sa Kamara na imbestigahan ang delayed at overdue na pagkakaroon ng rolbak sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Sinabi ni Piston Secretary General George San Mateo, nagkaroon ng rolbak na P1.75 sa diesel, P2 sa kerosene at 75 cents sa gasolina nitong Biyernes pero noong nakaraang linggo pa bumaba ang World Oil prices na $91 kada bariles.
Binigyang diin ni San Mateo na dapat sana ay noon pang Hunyo 21 nagkaroon ng rolbak pero sa halip ay nagtaas ang mga oil companies noong araw na ito ng 25 sentimos sa presyo ng diesel at kerosene, patunay na kapag pababa ang langis sa world market ay nagtataas pa at dinidelay oil price rollback.
Anya, malinaw na overpricing ito na dapat imbestigahan ng Kongreso dahil walang kredibilidad ang Department of Energy (DOE) na mag-imbestiga dito.
Hiniling din ng Piston sa Kongreso na madaliin na ang deliberasyon sa House bill 4317 at 4355 ng Anakpawis at Bayan Muna partylist na nagpapanukala ng pagbasura sa oil deregulation law.