MANILA, Philippines - Nararanasan umano ang matinding pagbaha sa maraming lugar sa bansa dahil karamihan sa mga ilog ay puro barado dahil sa polusyon.
Ayon kay Senate Majority Leader Tito Sotto, dapat magbuo na ng komite ang gobyerno na mag-iimbestiga sa mga ilog, mga humaharang dito at kung gaano na katindi ang polusyon na nagiging dahilan upang bumaha tuwing nagkakaroon ng malakas na ulan.
Ang Department of Environment and Natural Resources aniya ang dapat magbigay ng “status report” kaugnay sa mga major basins sa bansa sa gitna na rin ng sunod-sunod na bagyong dumarating sa Pilipinas.
Inihalimbawa ni Sotto ang nangyari sa Rio Grande de Mindanao na halos nabarahan na ng water lilies at water hyacinths kaya nakakaranas ng matinding pagbaha ang Cotabato City.
Dapat aniyang magsilbing eye-opener para sa DENR at sa publiko ang kahalagahan ng mga ilog at streams na dapat ay napapakinabangan ng mga mamamayan kung hindi lamang puno ng polusyon.