MANILA, Philippines - Payag na ang ilang kongresista mula sa Mindanao na ipagpaliban sa Agosto ang halalan sa Autonomous Region in Musim Mindanao (ARMM) dahil kapos na sa oras kaya hindi na sila maghahain ng apela sa Supreme Court para kwestiyunin ang hakbang ng Malacañang tungkol sa nasabing usapin.
Sinabi ni Mindanao Rep. Simeon Datumanong, kahit ayaw niyang ipagpaliban ang eleksyon, nagdesisyon na lang daw ang ilang mambabatas sa Mindanao na hintayin ang anumang reporma na gagawin ng mapipiling officer-in-charge sa loob ng dalawang taong magiging termino nito.
Wika ni Datumanong, kulang na ang kanilang oras para i-apela ang inaprubahang panukalang batas lalo at sa katapusan pa nitong buwan nakatakdang lagdaan ni Pangulong Noynoy Aquino ang nasabing panukala.
Kahit mapirmahan ni Aquino sa Hunyo 30 ay may 15 araw pa itong publication para maging ganap na batas kaya doon pa lamang ito maaring kwestiyunin sa Korte Suprema.
Malabo na rin umanong makapagpalabas ng desisyon ang SC bago ang Agosto 8 na siyang itinakdang araw ng pagdaraos ng ARMM elections.