MANILA, Philippines - Namahagi ng tulong si Pangulong Aquino sa mga biktima ng pagbaha sa Cotobato City kahapon.
Personal na binisita ng Pangulo ang mga residente kasabay ng pamimigay ng mga relief goods.
Inatasan na rin ni Aquino ang agarang paglilinis sa Rio Grande de Mindanao na punong-puno ng water lily na nagiging sanhi ng pagbara ng daluyan ng tubig.
Hiniling din ni Aquino sa mamamayan na tumulong sa paglilinis ng ilog upang tuluyang humupa na ang baha sa kanilang lugar.
Samantala, nakaantabay lamang ang Philippine Coast Guard (PCG) at volunteer groups sakaling magkaroon ng rescue operations at iba pang tulong na maibibigay sa posibleng pagpasok ng sunod-sunod na bagyo sa bansa.
Sinabi ni PCG Commandant Admiral Ramon Liwag, bahagi ito ng paghahanda ng kanilang tanggapan sa anumang responde lalo na sa panahon ng tag-ulan na kadalasang dinadalaw ng bagyo ang Pilipinas.
Nanawagan din si Liwag sa publiko na mahalaga ang kanilang pakikipagtulungan sa ahensiya lalo na sa pagbibigay ng impormasyon kaugnay sa sitwasyon ng kanilang lugar na nangangailangan ng responde. (Rudy Andal/Ludy Bermudo)