MANILA, Philippines - Nalapastangan umano ang kalayaan sa pamamahayag ng mga miyembro ng media sa Land Transportation Office (LTO) sa unang araw sa pagbabalik trabaho ni LTO Chief Virginia Torres kahapon.
Makaraang tumawag ng press conference ang mga tauhan ni Torres ganap na alas-10 ng umaga sa Bulwagang Edu LTO, halos wala pang 30 minuto ay agad na tinapos ni Torres ang pulong balitan sa pagitan ng media nang mainit na itong tinatanong hinggil sa isyu ng IT provider nitong Stradcom Corp.
Dahil sa pagkabitin ng mga media sa conference ay nag-ambush interview na lamang ang mga ito subalit may hawi boys na agad na umalalay kay Torres papasok ng kanyang tanggapan gayung hindi pa tapos ang pagtatanong ng mga taga media na gusto nilang malaman sa mga usapin sa LTO.
Bunsod nito, isa isang nagtungo sa tanggapan ni Torres ang ilang miyembro ng media para personal na itong tanungin sa ilang mga isyu sa LTO pero sa hindi malamang dahilan ay umalis ito.
Kaugnay nito, niliwanag naman ng Stradcom Corporation, na ipagpapatuloy nito ang serbisyo sa LTO kahit na hindi sila binabayaran ng ahensiya ng 8 buwan sa serbisyo.