MANILA, Philippines - Dahil sa mataas na antas ng mga bumagsak sa pagsusulit para sa promosyon, binigyan na lamang ng National Police Commission (Napolcom) ng kapangyarihan si PNP Chief Director General Raul Bacalzo na punan ang mga bakanteng posisyon para sa promosyon mula ranggong Senior Police Officer 1 hanggang Police Superintendent.
Sinabi ni Napolcom Vice Chairman at Executive Officer Eduardo Escueta, pahihintulutan ng komisyon na mapunan ang 312 na bakanteng posisyon para sa Superintendent, 263 sa Chief Inspector, 1,093 sa Senior Inspector, 473 sa Inspector, 6,669 sa SPO4, 10,020 sa SPO3, 5,749 sa SPO2 at 7,035 sa SPO1.
Binilinan ng Napolcom si Bacalzo na ibase ang promosyon sa umiiral na mga alituntunin na dadaan sa pagsusuri sa mga aplikasyon at kakayahan ng mga pulis. Kinakailangan rin umanong may kaharap na kinatawan ng komisyon bago aprubahan ang mga promosyon.
May 6,107 pulis lamang ang nakapasa mula sa kabuuang 19,922 pulis na kumuha ng pagsusulit para sa promosyon noong Abril. Kabilang dito ang 3,319 na kumuha ng Police Officer exam, 2,648 na kumuha ng Senior Police Officer exam, 65 sa Inspector exam at 75 sa Superintendent exam.
Mababa rin ang mga nakapasa bilang bagong pulis na kumuha ng entrance exam ng naturang buwan. Tanging 7,750 lamang ang nakapasa sa pagsusulit buhat sa kabuuang 38,918 na kumuha nito.