MANILA, Philippines - Nasa balag ng alanganin ngayon ang isang opisyal ng Bureau of Customs (BoC) matapos umanong mabigong puwersahang ipa-inspeksyon ang custom bonded warehouses sa Maynila at Bulacan na pag-aari ng isang stainless steel company nang walang kaukulang mission order kamakailan.
Ipinabatid ng kinatawan ng Sanyo Seiki Stainless Steel kay Customs Commissioner Angelito Alvarez ang ginawa umano ng isang opisyal nito na nakilalang si Lucila S.P. Medina at ang kanyang grupo na sinasabing sumalakay sa kanilang warehouses sa Balut, Tondo at Meycauayan, Bulacan nang wala umanong kaukulang mission order mula kay Alvarez.
Ayon kay Clarisa Rosales, sinabi umano ng grupo ni Medina na gusto nilang inspeksyunin ang mga warehouses na malinaw na paglabag sa Customs Memorandum Order No. 52-93 Rules and Regulations in the Issuance of mission orders for the audit/Inventory of customs bonded warehouses, accredited members of common customs bonded warehouses and their subcontractors.
Ilang testigo naman ang nagsabi na iginiit ni Medina na ang mga mission order ay galing sa kanya at siya rin mismo ang nag-aapruba ng lahat ng mission order at hindi si Alvarez:
Nang kumprontahin ng Meycauayan police habang isinasagawa ang raid sa Bulacan warehouse, nabigo si Medina at mga BoC officials na magpakita ng anumang dokumento hinggil sa umano’y audit nang hingin ito ng mga security ng kumpanya.
Ang naturang “spot audit” ay nagpapakita ng harassment tactics ng ilang mapagsamantalang element ng BoC, na nangha-harass ng mga lehitimong negosyo, ayon sa may-ari ng Sanyo.
Kaugnay nito, ilang Filipino-Chinese businessmen ang nagreklamo kay Alvarez at hiniling na imbestigahan ang ganitong modus operandi ng ilang abusadong BoC personnel.
Ipinabatid ng mga lehitimong negosyante kay Alvarez na ang ganitong sistema ay hindi akma sa polisiya ng “Matuwid na daan…” sa halip ay nagpapakita ng harassment na katulad ng “hulidap.”
Ayon sa mga negosyante, magsasampa sila ng kasong administratibo sa Office of the Ombudsman at iba pang criminal na kaso sa korte laban kay Medina at sa kanyang grupo.