MANILA, Philippines - Isang Pinoy na nakakulong at isinasangkot sa pagpatay sa kapwa OFW ang umano’y ginugulpi sa loob ng piitan ng mga pulis sa Saudi Arabia.
Humihingi ng tulong ang OFW na si Edgar Maligaya, 38, tubong Batangas na nahaharap sa kasong pagpatay. dahil sa pambubugbog ng mga pulis sa Olaya Police Station sa Olaya District sa Riyadh kung saan siya nakakulong.
Ayon kay John Leonard Monterona, regional coordinator ng Migrante-ME, si Maligaya ay idinawit sa misteryosong pagkamatay ng Pinoy driver na si Andy Miclat Dimacali noong Hulyo 2010.
Pinaghinalaan ng pulisya si Maligaya na siyang pumatay kay Dimacali dahil huling nakita sa cellphone ng biktima ang text message ni Maligaya nang araw na napatay ang huli.
Sa sulat na ipinadala ng Migrante na may petsang Hunyo 1, 2011 sa Embahada ng Pilipinas sa Riyadh, lumalabas sa Death Notification na inisyu ng Saudi Minsitry of Health na may petsang Hulyo 20, 2011 na nasawi si Dimacali sa labas ng ospital bunga ng mga sugat sa ulo, pagkabali ng ribs at may dugong umaagos sa ilong. Hindi pa umano na naiuuwi ang mga labi ni Dimacali.