MANILA, Philippines - Sinuspinde ng Palasyo ang special prosecutor na si Wendell Barreras Sulit sa loob ng 90 days at kinasuhan ng graft at betrayal of public trust kaugnay ng kwestiyonableng plea bargain agreement na pinasok nito kay retired Maj. Gen. Carlos Garcia.
Sinabi ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr., suspendido sa loob ng 3-buwan si Sulit upang masiguro na hindi nito magagalaw ang ebidensiya at hindi makahadlang sa ginagawang imbestigasyon dito.
Ayon kay Ochoa, nilabag ni Sulit ang umiiral na rules and jurisprudence nang pasukin nito ang plea bargain agreement kay Garcia kaugnay ng P303-milyong plunder case nito sa Sandiganbayan.
Hinayaan umano ni Sulit at kanyang mga deputies na balewalain at ibasura ang mga ebidensiya na pabor sana sa gobyerno at sa halip ay pumasok pa ito sa plea bargain.
Dahil sa plea bargain na ito, ang kasong plunder ni Garcia ay naibaba sa direct bribery na lamang.
Kahapon ipinatupad ang suspension ni Sulit.
Binigyan naman ng Palasyo ng 10 araw si Sulit upang sumagot sa akusasyon sa kanya.