MANILA, Philippines - Tiniyak ng kampo ni Hubert Webb na makukuha niya ang P180,000 danyos para sa kanyang pagkakakulong ng matagal matapos na maabsuwelto ng korte kaugnay ng kasong Vizconde massacre case.
Ang paniniyak ay ginawa ni Atty. Joaquin Miguel Hizon nang personal ding magtungo si Webb sa tanggapan ng Board of Claims ng Department of Justice (DoJ).
Napag-alaman na alinsunod sa umiiral na batas, ang mga bilanggong naabswelto ng korte ay may karapatang kumuha ng P1,000 danyos sa kada taon na ito’y nakulong.
Lumilitaw na sa kaso ni Webb, aabot umano ng P180,000 ang dapat maipagkaloob ng board dahil sa tagal ng pagkakakulong nito sa pambansang piitan.
Hindi naman nababahala si Webb sa isinasagawang reinvestigation ng DoJ sa 20 taon nang kaso ng karumal-dumal na pagpatay kina Estrelita, Carmela at Jennifer Vizconde sa Parañaque noong 1991.
Aniya, ang bawat kampo ay naghahanap ng hustisya kung kaya’t karapatan ng sinuman ang pagsasagawa ng proseso ng kanilang nais gawin.