MANILA, Philippines - Nakalabas na ng bansa ang Chinese national na sinasabing nasa likod ng tangkang pagpupuslit ng black corals at iba pang yamang dagat mula sa Moro Gulf na tinatayang nasa P35 milyon.
Inihayag ni Senate Sergeant-At-Arms Jose Balajadia sa pagpapatuloy ng pagdinig kahapon ng Senate committee on environment and natural resources na pinamumunuan ni Senator Juan Miguel Zubiri, na lumabas ng bansa patungong Hong Kong noong Hunyo 7 si Li Yu Ming na kilala rin sa alias na Joe Pring, isang araw lamang matapos ipag-utos ng Senado ang pag-aresto sa kanya at sa asawa nito noong Hunyo 8.
Mula sa Zamboanga ay nagtungo umano si Li Yu Ming sa Maynila noong Hunyo 7 dakong ala-1:45 ng hapon at may connecting flight patungong Hong Kong dakong alas-7:10 ng gabi.
Hindi naman kasama sa manifesto ang asawa ni Ming na isang Olivia Li o Olivia Lim pero nabigo rin ang grupo ni Balajadia na maaresto ito.
Kaugnay nito, nais ni Senate President Juan Ponce Enrile na maghain ng extradition case ang gobyerno upang mapabalik sa bansa ang mga pinaghihinalaang smugglers ng black corals.
Ayon kay Enrile mahalagang maibalik sa bansa ang mag-asawa upang maipakita sa lahat na seryoso ang gobyerno sa pagpapatupad ng batas.