MANILA, Philippines - Hiniling ng transport groups kay Pangulong Noynoy Aquino na huwag na nitong ibalik sa Land Transportation Office ang nagbabakasyong si LTO Chief Virginia Torres.
Ayon kay Zeny Maranan, pangulo ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP), hindi na dapat pang maibalik si Torres sa LTO upang hindi na mapahiya pa ang Pangulo.
Isa umano si Torres sa sinasabing dahilan ng pagsadsad ng rating ni Aquino dahil sa mga kinasasangkutan nitong kontrobersiya sa Stradcom Corp., ang IT provider ng LTO, nang kampihan ang Sumbilla group sa pag-takeover sa naturang kumpanya noong December 2010, sa plano nitong ibalik sa manual operation ang LTO at mga kaso ng pagrerehistro ng sasakyan na kulang ang dokumento noong Tarlac chief pa ito ng LTO.
Kinondena rin ni Maranan ang pahayag ni DOJ Secretary de Lima na hindi siya makakapagdesisyon sa kaso ni Torres at tanging ang Pangulo lamang ang dapat magdesisyon dito dahil isa itong presidential appointee gayong sakop ng DOJ ang kaso ni Torres kayat nasa jurisdiction anya ng DOJ na madisiplina si Torres.
Sinabi naman ni Atty. Raquel Desiderio, DOTC under secretary at dating OIC ng LTO, hindi pa maaaring bumalik sa puwesto si Torres dahil hindi pa naiimbestigahan ng Malacañang ang gross negligence sa Stradcom affair na una nang inerekomenda ng DOJ at DOTC.