MANILA, Philippines - Nararapat lamang umano na sampahan din ng kaso si Lt. Col. George Rabusa dahil mismong siya ay umamin na nakinabang din siya sa “kupit” mula sa budget ng Armed Forces of the Philippines na dapat sana ay pantustos sa pangangailangan at sweldo ng mga sundalo.
Ito ang paniwala ni Atty. Batas Mauricio na nagsabi sa isang press conference sa Quezon City na ang ginawa ni Rabusa na pagsisiwalat ng umano’y katiwalian sa AFP ay hindi dapat maging dahilan upang siya’y mailigtas sa kasong pandarambong, dahil siya mismo ay nakinabang sa milyong milyong nakaw mula sa budget ng military.
Hindi umano magandang halimbawa kung ililigtas sa kasong pandarambong si Rabusa dahil kung hindi dahil sa kanya ay hindi magiging posible na makapagkamal ng ganung kalaking halaga ang ilang matataas na opisyal ng military.
“Rabusa himself benefitted from the corruption in the military, as he has repeatedly admitted. Because of this, he is also going to be charged with and detained for plunder, together with whoever were his superior officers who pocketed hundreds of millions in AFP funds,” pahayag ni Mauricio.
Ilang mataas na opisyal ng AFP na ngayon ay retirado ang idinawit ni Rabusa sa umano’y corruption sa AFP, kabilang na ang yumaong si General Angelo Reyes, ret. Gen. Diomedio Villanueva at ret. Gen. Roy Cimatu at kanilang mga kabiyak.
“It takes two to tango, kung wala si Rabusa, hindi rin magiging posible sa mga opisyal na makakuha ng salapi,” dagdag pa ni Mauricio.
Kung kakasuhan ang mga opisyal na idinawit ni Rabusa, ay nararapat lamang anya na isama din si Rabusa sa kaso dahil hindi pa naman siya nasasama bilang isang state witness.
Hindi rin umano tama na maligtas sa anumang pananagutan si Rabusa dahil lamang sa kanyang pagbubunyag, dahil kung ganun ang pagbabasihan ay maraming mahihikayat ng gumawa ng mali at kapag naipit ay aaminin na lang at magdadamay ng iba upang hindi makasuhan.
Samantala, ilang mga sundalo naman ang umamin na nakakababa ng morale ang ginagawa ni Rabusa partikular na sa imahe ng mga ordinaryong sundalo.
Ayon sa isang sundalo na ayaw magpabanggit ng pangalan, hindi na umano nagiging maganda ang tingin ng tao sa militar lalo na sa kanilang mga ordinaryong sundalo na mismong mga front liners.
Dinagdag pa nito na tanging ang mga katiwalian na lamang ang nakikita sa institusyon ngunit hindi na bibigyan ng pansin ang mga reporma na ipinatutupad ng kasalukuyang pamunuan ng AFP para maiwasan maulit ang mga iregularidad na naganap noon.