Pagpapaliban sa ARMM polls kinontra

MANILA, Philippines - “Election, Not Selection; Autonomy, Not Autocracy!”

Iyan ang sigaw kahapon ng mahigit 150 grupo na nanawagan sa mga senador na kontrahin ang House Bill 4146 at Senate Bill 2756 na naglalayong ipagpaliban ang August 8, 2011 elections sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Sa pangunguna ng PDP-Laban, sinabi ng grupo na kung maipapasa ay yuyurakan ng naturang mga pa­nukalang-batas ang pagkakatatag ng ARMM na isa sa mga legacy na naiwan ng yumaong dating Pangulong Corazon Aquino na ina ni Pangulong Noynoy Aquino.

Sinabi ng grupo na hindi kailanman dapat ipagkait sa mga mamamayan ng ARMM ang kanilang karapatan na maghalal ng kanilang mga lider.

Ilan lang sa mga miyembro ng grupo ang Magdalo Group, AKMA-PTM, Maguindanao Provincial Federation of Irrigators, Alliance for Mindanao Genuine Development, Initiative for Green Environment in Mindanao, Ulama Council Region IX, Bangsa Moro Youth Movement, Sulu Sultanate Advisory Council, Nacionalista Party at Agthia Center for a Peaceful Mindanao.

Nauna rito, nagbabala si Senator Juan Miguel Zubiri na maaaring gamitin ng administrasyon ang “pork barrel blackmail” para pilitin umano ang mga senador na pumabor sa bill na isang pangamba na inihayag rin ni Senator Bongbong Marcos.

Ayon sa Committee Report 42, labag sa prinsipyo ng awtonomiya ang pagtalaga ng Pangulo ng OICs sa ARMM, gayundin ang pagpapaliban sa ARMM election na mag-aamyenda sa ARMM Organic Act nang hindi ito idinadaan sa plebisito.

Show comments