Manila, Philippines - Ipinag-utos ni acting Ombudsman Orlando Casimiro ang pagsamsam sa umano’y mga nakaw na yaman ni dating Lt. Gen. Jacinto Ligot at pamilya nito na may mahigit sa P55 milyon.
Sa ipinalabas na 18-pahinang resolusyon, sinabi ni Casimiro na dapat ay mayroong isang Supplemental Petition na isasampa sa Sandiganbayan para sa pagbawi sa yaman ni Ligot gayundin ng asawang si Erlinda Yambao-Ligot, mga anak na sina Riza, Paulo at Miguel Ligot, gayundin sina Edgardo T. Yambao at Gilda Y. Alfonso-Velasquez.
Ang hakbang ay inutos ni Casimiro nang ireklamo ng Office of the Ombudsman’s Field Investigation Office (OMB-FIO) na si Gen. Ligot ay may iba pang assets at properties na naka-deposito sa bangko at investment accounts na hindi nakasama sa nagdaang kaso na naisampa laban sa mga ito sa anti-graft court.
Sa record, si Ligot at ang mga nabanggit na indibidwal ay mayroong mahigit P5 milyon na nakadepositio sa Armed Forces and Police Savings and Loan Association, Inc. (AFSLAI), Equitable PCI bank, BPI, Land Bank, United Overseas Bank Phils, Metrobank at sa Citicorp Financial Services and Insurance Brokerage Philippines, Inc. (CFSI)
Binigyang diin ng Ombudsman na bagamat ang mga accounts ay kinokonsiderang “web of accounts”, kailangan pa rin itong busisiin dahil bahagi ito ng kanilang nakaw na yaman.
Samantala, pinakakasuhan naman ni Casimiro ng 8 bilang ng paglabag sa Sec 11 ng RA 6713 sa Sandiganbayan si retired Police General Eduardo S. Matillano dahil sa hindi nito paghaharap ng Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) mula 1994 hanggang 2000 at 2004.