PALAWAN, Philippines – Humihingi ng tulong sa Malacañang at Senado ang pamilya ng pinaslang na brodkaster at environmentalist ng Palawan na si Gerry “Doc” Ortega para lumutang ang tunay na dahilan ng pagkakapatay dito. Nakapaloob ito sa liham na ipinadala sa Pilipino Star NGAYON.
Umapela ang pamilya ng pinaslang na Palawan broadcaster na tutukan ang anggulong paglustay sa P3.1 bilyong pondo ng Palawan mula sa kinikita ng bansa sa Malampaya Natural Gas Project. Sinasabing naganap ang anomalya nang nanunungkulan pang gobernador ng probinsya si Joel Reyes.
Sinabi ng biyuda ni Ortega na si Pat at anak na si Mika na kinainitan ang komentarista dahil sa pagtuligsa nito sa sinasabing paglustay ng pondo mula sa Malampaya. Anila, ito ang tunay na dahilan kung bakit ito pinaslang noong Enero 24, 2011 sa Puerto Princesa City, Palawan.
Sinamahan ni Fr. Robert Reyes at retired Gen. Danilo Lim ang pamilya ni Ortega sa Senado upang umapela kay Senate Pres. Juan Ponce Enrile, na busisiin ang naging paggastos sa bilyun-bilyong kabahagi ng Palawan sa Malampaya.
“Marami pong lumabas na dahilan kung bakit ipinapatay si Gerry pero hindi nauungkat ang tungkol sa paglustay ng pondo,” ani Pat sa panayam ng media.
Idinagdag pa ni Mika na anak ni Ortega na bago pinaslang ang kanyang ama, nasabi nito sa kanya na kailangan pang ‘palakasin’ ang pag-iingay ng mga Palaweño hinggil sa umano’y pagwawaldas sa Malampaya fund kasabay ng panawagang huwag munang maglabas ng bagong pondo mula rito ang Malacañang hangga’t hindi alam ng publiko kung ano ang nangyari sa unang P3.1 bilyon na nakuha ng Palawan.
Kasabay nito, mariin ding binatikos ng pamilya Ortega at mga residente ng Palawan ang mabagal na pagkilos ng Commission on Audit (COA) na mailabas ang resulta ng ‘special audit’ sa Malampaya fund.
Noong Abril 27, sumulat na si Executive Secretary Paquito ‘Jojo’ Ochoa kay COA chairperson Grace Pulido-Tan, na bigyan ng kopya ng resulta ng special audit ang Kilusan Love Malampaya (KLM) sa pangunguna ni Archbishop Pedro Arigo.
Panahon pa ni COA chairman Reynaldo Villar ay humihingi na ang KLM at ang napaslang na broadcaster ng kopya ng COA audit subalit wala silang natanggap na kopya mula sa ahensiya.
Paniwala ng grupo, makikita sa nasabing audit ang katotohanan sa mga sinasabi ni Ortega na nilustay sa maling paraan ang pondo ng Palawan mula sa Malampaya.
Sinusulat ang balitang ito ay hindi pa rin sumusunod ang COA sa utos ni Ochoa.