Manila, Philippines - Nais ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na magsagawa ng malalim na imbestigasyon ang Department of Justice (DOJ) sa mga nagdaang director ng Bureau of Corrections (Bucor) upang magbigay linaw sa umano’y natatanggap nilang “pressures” mula sa mga opisyal ng gobyerno at pulitiko para sa pagbibigay ng special treatment sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP).
Ang panawagan ni Colmenares ay kasunod ng pagbubunyag ni dating Bucor director Dionisio Santiago na tinangka ni dating First Gentleman Mike Arroyo at iba pang pulitiko na mamagitan kay dating Misamis Occidental Mayor Reynaldo Yap para sa VIP treatment nito.
Giit ng kongresista, kung totoo ang pahayag ni Dionisio ay malinaw na lumabag ang dating Unang Ginoo sa Anti-Graft and Corrupt Act sa ilalim ng Section 3a dahil sa pang-iimpluwensya ng iba pang public official upang lumabag sa regulasyon tulad ng Bucor.
Sinabi pa ni Colmenares na hihintayin muna nila kung ano ang magiging rekomendasyon ng DOJ fact finding team at DILG.
Subalit sa sandali umanong hindi sila makuntento sa rekomendasyon ay ipapatawag nila si Justice Secretary Leila de Lima at DILG Sec. Jessie Robredo para humarap sa isang congressional inquiry.
Bukod naman kay Dionisio dapat din umanong imbestigahan si dating NBP director Ricardo Calderon kaugnay sa nasabing isyu.