MANILA, Philippines - Umusad na kahapon sa Senado ang panukalang batas na naglalayong bigyan ng fixed term na tatlong taon ang mga mauupong chief of staff ng Armed Forces of the Philippines.
Sa pagdinig ng Committee on National Defense and Security na pinamumunuan ni Sen. Panfilo Lacson, sinabi nito na dapat ng ipako sa tatlong taon ang termino ng mga uupong chief of staff ng AFP.
Masyado umanong maikli kung may mga uupong chief of staff sa loob lamang ng tatlong buwan dahil ang nasabing panahon ay para lamang sa pagpa-plano.
Pero maaaring madiskuwalipika ang isang chief of staff sa sandaling umabot na ito sa mandatory age na 56 o kaya ay mawala na ang tiwala sa kaniya ng Pangulo ng bansa na tumatayong commander-in-chief ng militar.
Dahil wala umanong fix na termino ang chief of staff anumang oras ay maari itong palitan ng Pangulo ng bansa na nagagamit naman sa pamumulitika.