Pamilya Maguan dismayado sa DOJ panel

MANILA, Philippines - Nagpahayag ng pagkadismaya ang pamilya ng road rage victim na si Eldon Maguan sa kabiguan ng Department of Justice fact-finding panel na imbestigahan ang mga opisyales ng Bureau of Correction (BuCor)  at jail guards na nagpahintulot kay convicted murder Rolito Go na makalabas-masok sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City kahit walang permiso.

Sinabi ni Grace Maguan, kapatid ni Eldon, na dapat ipinatawag ng investigating panel ang may 14 jail guards na ilang beses nakasama ni Go sa paglabas sa bilibid bago pa man naaresto si dating Batangas Gov. Jose Antonio Leviste noong May 18.

Ang  DOJ ay nagsasagawa ng fact finding inquiry sa special privileges na tinatamasa ng ilang preso matapos ang pagkaaresto kay Leviste sa labas ng gusaling pag-aari nito sa Makati City noong May 18. Noong nakaraang Sabado, ang DOJ panel ay nagsagawa ng ocular inspection sa NBP.

Kasunod nito ang isang clarificatory hearing noong Lunes sa loob ng NBP kung saan ginisa si Leviste subalit hindi inanyayahan ng panel si Go at ang mga guards nito para mabigyang linaw ang kanyang madalas na bakasyon.

Sinabi ni Ms. Maguan na dapat pinalawak ng DOJ panel ang imbestigasyon dahil mismong si DOJ Secretary Leila de Lima aniya ang nagkumpirma sa ilang media interviews na si Go ay ilang beses ding nakitang lumalabas ng  NBP compound nang walang awtorisasyon.

Kinumpirma rin aniya ng kanyang sources na noong nakaraang taon ay nakita pa si Go sa isang hotel sa Pasay kasama ang kanyang dalawang guwardya nang makipag­kita sa asawa at mga anak.

Show comments