MANILA, Philippines - Tila nagkamali ng forecast ang PAGASA kaugnay ng bagyong Chedeng matapos magbago ito ng direksyon at tumbukin ang Japan.
Naunang sinabi ni PAGASA director Undersecretary Graciano Yumul na posibleng tumama sa Isabela-Aurora ang bagyo o kaya sa Appari, Cagayan subalit sang-ayon sa Japan Meteorological Agency gayundin sa US weather satellite ay hindi tatama sa Luzon ang nasabing bagyo bagkus ay mananatili ito sa dagat patungong Okinawa, Japan.
Sinabi naman ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, kada oras ang ginagawang forecast ng PAGASA sa bagyo kaya dapat pa rin umano tayong magpasalamat dahil hindi tatama sa lupa si Chedeng.
Sa latest monitoring ng PAGASA kahapon ng tanghali, si Chedeng ay bahagyang lumihis ng direksyon dahil nagbigay daan ang pumipigil na high pressure area sa Northern Luzon.
Gayunman, nilinaw ni forecaster Robert Sawi, kahit hindi na tatama sa kalupaan ang bagyo ay magkakaroon pa rin ito ng epekto sa bansa laluna sa silangang bahagi ng Luzon dahil sa lawak ng dala nitong kaulapan.
Huling namataan ang bagyo sa 230 kilometro sa hilagang silangan ng Virac, Catanduanes taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 170 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pabugsong hangin na umaabot sa 230 kilometro bawat oras.
Ngayong Biyernes, inaasahan na ang pagganda ng panahon sa Samar at Bicol Region.
Pero dahil sa hanging habagat na ipinag-iibayo ni Chedeng magkakaroon ng mga pag-ulan sa Western at Central Luzon maging sa Metro Manila ngayong umaga.
Tanging sa Catanduanes at Camarines Sur na lamang nakataas ngayon ang signal no. 2 habang signal no.1 na lang ang Samar Provinces, Cagayan, Isabela, Quirino, Aurora, Quezon Provinces, Polillo Island at Camarines Norte.
Magugunita na sinibak ni Pangulong Aquino si dating PAGASA director Frisco Nilo matapos hindi nito na-predict na tatama sa Metro Manila si bagyong Basyang noong nakaraang taon.