MANILA, Philippines - Posibleng mabigo ang pangarap na may 12,000 domestic helpers na makapagtrabaho sa Saudi Arabia sa sandaling maaprubahan ng limang bansa ang decertification sa nasabing bansa upang makansela na ang pagtungo dito ng mga domestic helpers.
Isinagawa ang dalawang araw na Asian Parliamentarians Forum on Migrant Domestic Workers sa Batasan Complex, na isinusulong ng House Committee on Overseas Workers Affairs (COWA) na pinamumunuan ni Akbayan Rep. Walden Bello kung saan kabilang sa tinatalakay ang mga bansang Cambodia, Indonesia, Bangladesh, Sri Lanka at Pilipinas
Ayon kay Bello, may 8,000 Pinoy domestic helpers ang hindi maaring payagan na magtungo sa Saudi habang walang malinaw na labor agreement sa pagitan ng dalawang bansa. Hindi pa rin kabilang dito ang may 6,000 re-hires o umuwi lamang para magbakasyon.
Inirekomenda ng COWA ang decertification sa Saudi matapos ang pagdalaw ng mga miembro ng komite sa mga OFW doon at natuklasan na napakalaking bilang ng mga domestic helpers ang nagkakaroon ng kaso o problemang kinakaharap gaya ng panggagahasa, pang-aabuso at hindi pagpapa-sahod.