MANILA, Philippines - Tahasang sinabi kahapon ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chair Margie Juico na binubuweltahan siya ng mga taong nasasagasaan sa inilulunsad na reporma sa PCSO matapos matuklasan ng bagong pangasiwaan ang katakut-takot na anomalya na nagdulot ng pagkalugi sa ahensya.
“Maraming nasagasaan. Marami kaming natuklasang anomalya at kabulukan. Ngunit katungkulan naming linisin ang masasamang elemento sa ahensya na matagal nang nagpapasasa. Katungkulan namin ito sa aming sinumpaang tungkulin lalung lalo na sa mga mahihirap,” pahayag ni Juico sa isang TV interview ni Boy Abunda sa Channel 2.
Sinabi ni Juico na paninira ang akusasyon na tumanggap ang kanyang asawang si Philip, ng kickback sa P28-million komisyon na diumano’y tinanggap ni dating PCSO Advertising and Promotions Manager Manuel C. Garcia sa dalawang ad agencies nung ang huli ay nanunungkulan pa. “Mula sa taong 2008 hanggang 2010 diumano nangyari ang pagtanggap ng kickback. Subalit sa mga taong ito ay wala pa kami sa poder sa PCSO. Papano nangyari ito,” giit ni Juico.
Noong nakaraang linggo, inakusahan sa Ombudsman ng dalawang advertising agencies-Quisgem Advertising Agency at Cross Channel Advertising Services-si Garcia ng pangungurakot.
Sinabi ni Juico na maraming ‘di kailangang proyekto nu’ng nakaraang administrasyon ang kanilang isinangtabi para ang pondo nito ay madagdag sa serbisyo sa mahihirap. “Sa palagay ko, ang mga tinamaan ng aming reporma ang siyang pinanggagalingan ng paninira,” ayon sa kanya.
Pinahayag ni Juico na marami na siyang reporma na ipinatutupad kagaya ng pag-aalis ng sobrang red tapes sa pagproseso ng tulong sa mahihirap, transparent bidding, at pagpapalawak pa ng serbisyo ng ahensya. May plano ring i-computerize ang proseso ng serbisyo at magtayo ng PCSO satellite offices sa probinsya para di na pumunta sa Maynila ang mga nangangailangan ng tulong.