Manila, Philippines - Magsasagawa na rin ng imbestigasyon sa susunod na linggo ang Kamara kaugnay sa paglabas ng New Bilibid Prison (NBP) ni dating Batangas governor Antonio Leviste.
Ayon kay Committee on Justice Chairman at Iloilo Rep. Niel Tupas Jr., sisimulan na nila sa Mayo 25 ng taong kasalukuyan ang “moto propio” investigation o ang sarili nilang hakbang sa pag-iimbestiga kaugnay sa nasabing insidente.
Paliwanag ni Tupas, na ang isang preso na nakakalabas ng kulungan ng ilang beses sa iba’t ibang okasyon ay malaking kahihiyan sa sistema ng hudikatura ng bansa.
Kabilang naman sa ipapatawag ng komite ang mga opisyal ng Bureau of Corrections, Bucor director Ernesto Diokno, opisyal mula sa Department of Justice (DOJ) at mula sa Board of Pardons and Parole.
Nauna na ring inihayag ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na magsasagawa ang Senado ng katulad na imbestigasyon.
Si Leviste ay naaresto noong Mayo 18 sa labas ng pag-aaring LP building sa Makati kung saan wala itong otorisasyon o pases upang lumabas sa paligid ng NBP sa Muntinlupa City kung saan siya magsisilbi ng 6-12 taong pagkakakulong matapos na masentensyahan ng Makati Regional Trial Court (RTC) dahil sa pagpatay sa kanyang aide na si Rafael delas Alas noong Enero 12,2007.