MANILA, Philippines- Malaki ang posibilidad na gamitin ng Manila City Council ang kautusan ng Supreme Court para atasan ang R2 Builders na alisin sa lalong madaling panahon ang bultu-bultong uling na nakaimbak sa kanilang pasilidad sa Harbour Center Industrial Park sa Smokey Mountain area.
Pinag-aaralan na rin ng Ad Hoc Committe sa pangunguna ni Chairman, Councilor Joel Chua, ang paglabag ng R2 Builders sa hawak nitong Environmental Clearance Certificate (ECC) dahil ang permit ng kompanya mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay para lamang sa 40 metrikong toneladang uling na gagamitin 300 kilowatt generator set.
Sa ginawang sorpresang inspeksiyon ng komite, nadiskubre ang bundok-bundok na uling na nasa open area sa Harbour Center at nakalabas pa sa 10 ektaryang lupa na pinayagan sa ECC permit.
Pinasusuri na rin ng konseho ang tubig sa Manila Bay area dahil sa katas na nagmula sa tambak-tambak na uling at posibleng maging sanhi ng pagkalason ng hangin sa paligid ng Harbour Center.
Nauna rito, nagpadala ng memorandum sa mga local government si DILG-NCR Director Renato Brion na inaatasan ang mga lokal na pamahalaan na bumuo ng Task Force Manila Bay Cleanup, Preservation and Rehabilitation batay sa mandamus ng Korte Suprema.
Ang SC mandamus na ito rin ang sinasabing gagamitin ng konseho ng lungsod upang agad na umaksiyon ang DENR laban sa bundok-bundok na uling sa bakuran ng R2 Builders dahil nagtataglay ito ng nakalalasong mercury.