MANILA, Philippines- Kinatigan kahapon ng pamilya ng road rage victim na si Eldon Maguan ang ibinunyag ni Justice Secretary Leila de Lima na maging ang convicted murderer na si Rolito Go ay nagagawa rin umanong maglabas-masok sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City at ilang beses pang nakabisita sa kanyang pamilya sa Quezon City.
Sinabi ni Mrs. Rosario Maguan, ina ni Eldon na nakatanggap sila ng impormasyon sa isang source nila sa NBP na lumabas din ng kanyang selda si Go bago pa man naaresto si former Gov. Antonio Leviste ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa paglabas ng bilibid nang walang kaukulang pases.
Si Leviste ay nahatulang guilty sa pagpatay sa kanyang alalay na si Rafael delas Alas noong 2007.
Ayon pa kay Mrs. Maguan, ilang witness ang nakakita kay Go kasama ang dalawang civilian escorts na sinusundo pa umano ng isang tinted private car sa tuwing bibisita sa isang ospital sa Makati City para umano sa kanyang regular medical check-up.
Kaugnay nito, sinabi ni de Lima sa mga mamamahayag na: “I was informed last night there was an informant who talked to me... He said that it’s not only Leviste [who was going in and out], but also Rolito Go.”
Nadiskubre ng mga Maguan na si Go ay kabilang sa 109 preso na nakakatanggap ng “special privileges”nang gawin umano itong living-out inmate ng ilang prison officials mula pa noong Marso 2008 nang ilipat si Go sa minimum security kasama si dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez.
Si Go ay nasentensyahan noong 1994 ng Pasig Regional Trial Court ng reclusion perpetua o maximum ng 30 taong pagkakabilanggo sa pagpatay kay Eldon, isang De la Salle engineering student sa Greenhills, San Juan.
Tatlong beses nang nag-apply para sa executive clemency si Go mula nang dalhin sa NBP subalit lahat ay binigo ng Bureau of Pardons and Parole (BPP) dahil sa kawalang basehan.
Si Go ay napag-alamang nakalabas ng selda para sa kanyang regular na medical check-up sa ospital sa Makati nang wala umanong sertipikasyon mula sa DOH at approval mula sa Malacañang clinic director na nire-require sa ilalim ng amended guidelines ng BPP.
Sinabi pa ni Mrs. Maguan na bagama’t sa tuwing sinusundo si Go sa bilibid ay idinadahilang magpapa-checkup ito, ilang testigo naman ang nagsasabi na dumidiretso si Go sa kanyang bahay at construction firm sa Congressional sa QC.
Idinagdag pa ni Mrs. Maguan na tulad ng jail guard ni Leviste, dapat ding sampahan ng kasong kriminal at administratibo ng DOJ ang mga guwardya ni Go dahil sa pagpayag na makalabas-masok ito ng bilibid.