MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan ng konseho ng Maynila sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang tone-toneladang uling o coal na nakaimbak sa North Harbor na pag-aari ng R2 Builders.
Ayon kina 3rd District Councilors Joel Chua at Ernesto Isip, Jr., kailangang kumilos ang DENR upang matukoy kung gaano kalaking panganib ang posibleng nakaabang sa mga residente ng Maynila sa pananatili ng uling na karaniwang ginagamit sa power plant.
Ipinasusuri rin ng mga konsehal kung mayroong pinanghahawakang Environment Clearance Certificate (ECC) ang R2 Builders upang makapaglagak ng ganoong kalaking volume ng mga uling.
Kaugnay nito, pinagpapaliwanag din ng konseho ang R2 Builders management kung paano nila naipasok ang naturang mga uling sa kanilang bakuran nang walang pormal na pahintulan sa pamahalaang lokal.
Naniniwala ang mga opisyal ng lungsod na hindi dapat tulugan ng DENR ang isyung ito upang sa lalong madaling panahon ay mailigtas ang mga mamamayan ng Maynila sa peligro ng enviromental hazard.