MANILA, Philippines - Pinaplano na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na bumili ng submarine upang mapatatag pa ang kapabilidad ng depensa, maritime patrol at makahabol sa modernong mga bansa sa Asya.
Ito ang inihayag kahapon ni AFP Spokesman Commodore Miguel Jose Rodriguez kaugnay ng patuloy na capability upgrade program ng AFP sa mga kagamitang pandigma at pampatrulya ng tatlong Major Service Commands.
Kabilang sa tatlong AFP Major Service Commands ang Philippine Navy na siyang mangangalaga sa pinaplanong bilhing submarine.
Sinabi ni Rodriguez na kapag may submarine na ang Navy ay mag-aalanganin o iiwas ang mga mapangahas na puwersa ng ibang bansa na pumasok sa teroritoryo ng nasasakupan ng Pilipinas.
Sa oras na makabili na ng submarine na aabot sa bilyong halaga ay idedeploy ito sa sealines of communication ng Pilipinas at maging sa mga chokepoints sa karagatan.