MANILA, Philippines - Bubusisiin ng Commission on Audit ang P2.6 bilyong scam sa Department of Health hinggil sa umano’y maanomalyang implementasyon ng Family Health Program.
Ipinag-utos ni COA chairperson Ma. Gracia Pulido Tan sa kanyang mga tauhan na halungkatin ang audit records hinggil dito na ibinunyag ni Senate Majority Leader Tito Sotto.
Tiniyak ni Tan na handa silang makipagtulungan sa isasagawang imbestigasyon ng Senado upang malinawan ang kontrobersiyang iniuugnay sa isinusulong na Reproductive Health Bill.
Sa pagbubunyag ni Sotto, umabot umano sa P2.6 bilyon ang nawawalang pondo para sa Family Health program ng DoH mula 2008 hanggang 2009 sa ilalim ng Arroyo administration.
Ang pondo ay dapat ipinamahagi sa mga local government units ngunit sa pagsisiyasat ni Sotto ay ni-isang sentimo ay walang natatanggap ang LGUs.