MANILA, Philippines - Inaprubahan kahapon ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board-National Capital Region (RTWPB-NCR) ang karagdagang P22 kada araw sa Cost-Of-Living-Allowance (COLA) ng mga minimum wage earners sa Metro Manila subalit hindi sa basic pay nito.
Sinabi ni Director Raymundo Agravante, head ng RTWPB-NCR, ang P22 na karagdagan sa COLA para sa mga minimum wage earner ay awtomatikong idadagdag sa basic pay nito kada-araw ang napagkasunduan ng wage board matapos ang mga isinagawang pagpupulong at deliberasyon.
“The Regional Tripartite Wages and Productivity Board in the National Capital Region has approved an increase in the minimum wage in the form of a P22 cost of living allowance, or COLA, bringing the daily compensation of non-agricultural workers in the Metro Manila to P426 per day” pahayag ni Agravante.
Sinabi ng opisyal na sa kanilang pagsusuri ay dapat na P20 ang magiging wage increase subalit hindi naman umano ito kaya ng mga employer at kung P13 naman katulad ng kanilang iginigiit ang ibibigay ay hindi ito tutugma sa projection ng nakaraang inflation rate.
Nilinaw naman ng wage board na ang karagdagang P22 COLA ay hindi kasama sa pagkuwenta ng 13th month pay ng mga manggagawa. Dahil dito ay magiging P426 na ang minimum wage sa Metro Manila.
Magugunita na P175 ang hinihinging wage increase ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) habang ang nais naman ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) ay P13.35 lamang.