PNP nag-relax sa labang Pacquiao-Mosley

MANILA, Philippines - Pansamantalang napawi ang problemang hinaharap ng hanay ng Philippine National Police (PNP) sa larangan ng pagpapatupad ng katahimikan at kaayusan sa bansa, matapos na mapanood ang laban nina boxing champ Manny Pacquiao at Sugar Shane Mosley sa “big screen” na kanilang inilagay sa multi-purpose hall ng PNP headquarters sa lungsod Quezon kahapon.

Sa bawat round ay masayang naghihiyawan ang tinatayang aabot sa 1,000 kapulisan kasama ang kanilang mga kamag-anak at pamilya sa pangunguna ni PNP director Raul Bacalzo at dating NCRPO director Nick Bartolome.

Ayon sa pulisya, sa pagkapanalong muli ni Pacquiao ay ipinakita nito ang determinasyong mapangalagaan ang titulo na matagal na niyang hawak bilang mahusay na boksingero ng buong bansa.

Karangalan din umano nila ang pagkapanalo ni Pacman bilang kabahagi ng army reservist ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ka­tuwang nila sa pagseserbisyo publiko.

Samantala, sa laban nina Pacquiao at Mosley ay wala namang report na karahasang naitala ang hanay ng PNP, dahilan para ipalagay na “generally peaceful” ang buong bansa, dahil anya sa karamihan sa mga Pinoy ay nanonood ng naturang laban. 

Tinanghal na winner si Pacquiao by unanimous decision laban kay Mosley.

Show comments