MANILA, Philippines - May 12 Overseas Filipino Workers na naiipit sa matinding kaguluhan sa Syria ang humihingi ng tulong sa pamahalaan na makauwi na sa bansa.
Sa report ng Migrante-Middle East, kinilala ang mga Pinoy na sina Aisa Kabunto Mantok, Jenifer Bayla, Shally Mar Cruz, Elizabeth Golong, Merjulyn Borbon, Analiza Muana, Jennygil Y. Canaguan, Anisa Salibat Tibanu, Juvilyn Pasuquin, Maisa Posda Guiampaka, Hannie Shayne Kasim at Maricel Canares. Sila ay karamihang taga-Mindanao at nakabase ngayon sa Takia, Syria.
Ayon kay John Leonard Monterona, regional coordinator ng Migrante-ME, ang mga OFWs na nabanggit ay nagpadala ng e-mail sa kanya at isa sa mga ito ang kanyang nakausap at humihingi ng tulong.
Nauna rito, inilagay ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa alert level 2 ang alarma para sa may 17,000 Pinoy sa Syria noong Mayo 1. Dito nagbigay nang babala ang Embahada ng Pilipinas sa mga Pinoy na boluntaryong lisanin ang Syria at limitahan ang pagtungo sa mga matataong lugar at maging mapagbantay.
Sa tala ng DFA, ang Latakia na may 2,400 OFWs kabilang ang nasabing 12 OFWs ay isa sa mga kritikal na lugar bunga ng patuloy na sagupaan sa pagitan ng anti-government protesters at Syrian government security forces. Mula sa nasabing bilang may 110 Pinoy ang nasa Dara at 1,600 sa Homs.
Sumulat na si Monterona kay Ambassador Wilfredo Cuyugan ng Embahada sa Syria upang mabigyan ng aga rang assistance ang 12 OFWs sa Latakia.