WASHINGTON - Nagbabala ang Estados Unidos na iimbestigahan nito kung paanong nakapamuhay sa Pakistan si Osama bin Laden nang hindi natutunugan ng kaalyado nitong bansa.
Matapos ang pagkakapatay kay bin Laden, ipinagtataka ng mga mambabatas sa Amerika kung bakit hindi natiktikan ng Pakistan intelligence si bin Laden.
Ang Abbottabad kung saan nasukol si bin Laden ay katumbas ng West Point at Sandhurst military academies, na popular sa mga retired military personnel at tourists.
Ayon sa top anti-terror adviser ni US President Barack Obama na si John Brennan, hindi kapani-paniwala na hindi tumanggap ng suporta si bin laden sa Pakistan na kaalyado ng US.
Ayon sa mga opisyal, nakumpirma sa DNA tests na ang lalaking nabaril sa ulo ng US special forces sa Abbottabad ay si bin Laden na utak sa September 11, 2001 attacks sa New York at Pentagon.
“We got him,” wika ni Obama matapos kumpirmahin ni CIA chief Leon Panetta na ang status ni bin Laden na may codename “Geronimo” ay “EKIA” o Enemy Killed In Action.
Idinepensa naman ni Pakistani President Asif Ali Zardari ang akusasyon na wala itong ginawa para matunton si bin Laden, pero hindi direktang nagkomento sa umano’y intelligence failures. (Wires)