Manila, Philippines - Dalawa-katao ang kumpirmadong nasawi habang 22 iba pa ang sugatan makaraang sumalpok sa barandilya sa tabi ng highway ang pampasaherong bus sa bayan ng Roseller T. Lim, Zamboanga Sibugay kamakalawa ng gabi.
Sinabi ni Zamboanga Sibugay Police Provincial Police Office Director P/Senior Supt. Ruben Cariaga; pawang dead-on-the-spot sina Alex Kamsa ng Parang Maguindanao at Romeo Mariano ng Impasug-ong, Bukidnon.
Magkakahiwalay na isinugod ng nagrespondeng mga elemento ng pulisya ang mga sugatang biktima sa Provincial Hospital, Simon Hospital at De Villa Hospital na pawang nasa bayan ng Ipil.
Base sa imbestigasyon, dakong alas-7 ng gabi noong Mayo 1 habang bumabagtas sa national highway sa Brgy. Silingan, Roseller T. Lim ang Rural Transit of Mindanao Inc. ni Vergil Reyes nang maitala ang sakuna.
Nabatid na masyadong mabilis ang takbo ng bus na nagmula sa bayan ng Ipil at patungong Zamboanga City nang biglang tumawid ang motorsiklo na tinangkang iwasan ni Reyes.
Bunga nito, nawalan ng kontrol sa manibela si Reyes hanggang sa magtuluy-tuloy na sumalpok ang bus sa barandilya ng highway kung saan bumaliktad.