MANILA, Philippines - Sampung pagyanig ang naitala sa paligid ng aktibong bulkan ng Taal sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ayon sa Phivolcs, bagama’t bumaba ang naitalang pagyanig mula dito ay hindi naman sapat para dalhin na sa mababang level ang alerto sa lugar na nasasakop nito.
Base sa talaan ng Phivolcs, ang 10 pagyanig ay naramdaman pasado alas 7:32 ng umaga kung saan isa sa mga ito ay naramdaman sa intensity 3 na may mahina lamang pag-uga Sabado ng hapon.
Ang intensity 3 ay naramdaman ng mga residente sa Barangay Pira-Piraso at Intensity 2 sa Brgy. Calauit ganap na alas 4:28 ng hapon.
Kaya naman nanatili pa rin sa Alert Level 2 ang Taal Volcano na may interpretasyong ang magma ay maaring manghimasok patungo sa ibabaw, dahil sa nakitang carbon dioxide na inilalabas ng pinakabunganga ng lawa at aktibidad ng pagyanig.
Muling inabisuhan ng Phivolcs ang residente na ang Main Crater, Daang Kastila Trail at Mt. Tabaro ay mahigpit na ipinagbabawal o off-limits dahil sa biglaang pagbuga ng mapanganib na singaw bunga ng pagsabog at mataas na konsentrasyon ng toxic gases na maaring maipon.
Dagdag pa dito, ang paglanghap umano ng mataas na konsentrasyon ng gases ay maaring makamatay sa tao, hayop, at makasira sa halaman.
Sabi pa ng Phivolcs, ang buong isla ng bulkan ay itinuring na Permanent Danger Zone (PDZ), at ang permanenteng pagtira sa isla ay hindi inirerekomenda.