MANILA, Philippines - Malabong maisulong ng minorya sa kongreso ang plano nilang pagsasampa ng kasong impeachment laban kay Pangulong Benigno Aquino III.
Ito ang iginiit ni Oriental Mindoro Rep. Rodolfo Valencia, isa sa mga kaalyado ng Pangulo at siya ring chairman ng House committee on Urban development.
Inamin ni Valencia na magkakaroon pa rin ng “numbers game” dahil sa mangunguna na naman dito ang usapin sa bilang ng mga kongresistang kaalyado ng kasalukuyang administrasyon.
Ipinaliwanag pa ng mambabatas, sakaling ituloy ni Deputy Minority Leader at Quezon Rep. Danilo Suarez na magsasampa siya ng tatlong malalaking issue laban sa administrasyon ni Aquino ay laglag na agad ito sa House Committee pa lamang.
Naniniwala naman si Valencia na tila napaaga ang pamumulitika ni Suarez ito ay dahil kapag nag ingay umano ang isang kongresista,siguradong may ambisyon ito para sa mas mataas na posisyon.
Nauna nang inihayag ni Suarez na mayroon tatlong resolusyon na isasampa ang minorya laban sa Aquino administration at naglalayong imbestigahan ang mga isyu na umano’y nakaka-alarma at nakakasira sa mga kapartido niya.