MANILA, Philippines - Dismayado si Batanes Bishop Camillo Gregorio sa estilo ng paggunita at pagdiriwang ng Semana Santa kung saan marami ang nagbabakasyon, nagpupunta sa mga beach at nagsasaya at nalilimutan nang magtika.
Ayon kay Gregorio, ang Holy Week o Semana Santa ay panahon o pagkakataon para maging malalim ang conversion ng isang tao at pagbabalik-loob sa Diyos.
Sinabi ni Gregorio na hindi umano dapat na sayangin ng bawat isa ang pagkakataon upang ihingi ng tawad ang mga nagawang kasalanan.
Kung hindi aniya maiwasang magbakasyon o magpunta sa beach, dapat na bigyan din ng panahon at oras ng bawat isa ang pakikinig sa ebanghelyo partikular na pagdating ng araw ng palaspas at sa mga darating na araw ng Huwebes Santo, Biyernes Santo at Sabado de Gloria.
“Tumahimik para lumalim ang ating pananampalataya at pagninilay. Kaya yan ang aking ipinapayo sa lahat, sana matuto tayong lahat to be silent, to His time”, ani Gregorio.