MANILA, Philippines - Nakumpleto na kahapon ang prosecution team ng Kamara na magdidiin kay Ombudsman Merceditas Gutierrez, isang buwan bago magsimula ang impeachment trial laban dito.
Ayon kay House Committee on Justice chairman at Iloilo Rep. Niel Tupas Jr., kabilang sa mga bumuo ng panel sina Northern Samar,1st District Rep. Raul Daza at Diwa party list Rep. Emmile Aglipay .
Nauna nang pinangalanan ang siyam na mambabatas na kabilang sa prosecution team na kinabibilangan nina Tupas Jr, Vice chairman at Ilocos Sur Rep. Rodolfo Farinas, House deputy speaker Erin Tañada, Bayan Muna party-list Rep. Neri Javier Colmenares, Akbayan party-list Rep. Arlene “Kaka” Bag-ao at Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali.
Kasama din sa team sina Valenzuela City Rep. Magtanggol “Magi” Gunigundo II, Cavite Rep. Joseph Emilio Abaya, Marikina Rep. Miro Quimbo, Dasmarinas City Rep. Elpidio Barzaga samantalang tatayo naman bilang spokespersons ng grupo si CIBAC party-list Rep. Sherwin Tugna at Aglipay at ang magsisilbing public relation officer na si South Cotabato Rep. Daisy Avance Fuentes.
Magtutungo sila sa Senado sa pagbubukas ng session sa Mayo 9, dakong alas 2 ng hapon upang maghain ng “enter apperance” para sa impeachment trial ni Gutierrez.
Inihayag din ni Tupas na siya ang magsasagawa ng opening statement sa pagbubukas ng impeachment trial at siya rin umano ang dedepensa sa fertilizer fund scam na umanoy “strongest evidence” ng komite. (Gemma Garcia/Butch Quejada)