MANILA, Philippines - Sa Mayo pa mag-uumpisa ang Deparment of Energy (DOE) na magpamahagi ng mga fuel discount smart cards sa ilalim ng programa ng pamahalaan na Public Transport Assistance Program (PTAP) o “Pantawid Pasada”.
Sinabi ni Energy Secretary Jose Rene Almendras na sakop ng programa ang may 214,596 pampasaherong jeep sa buong bansa. May laman na “pre-loaded” na P1,050 ang bawat “smart card” o katumbas na P35 kada araw sa loob ng isang buwan.
Maaari umanong gamitin ng mga jeepney driver ang card para bayaran ang buong halaga ng gasolina na kanilang ikakarga o unti-untiin hanggang sa matapos ang isang buwan na sakop nito.
Lalagyan ng numero ng plaka, numero ng prangkisa at iba pang datos ng benepisaryo ang bawat smart card upang hindi maabuso ang programa. Kapag naubos na ang laman ng bawat card, pinayuhan ni Almendras ang mga driver na itabi ito dahil sa maaaring magamit pa sa mga susunod pang programa ng gobyerno.
Plano ng DOE na ipamahagi ang mga smart cards sa mga lehitimong may-ari ng mga prangkisa na siyang magdi-distributesa kanilang mga drivers.
Inihayag naman ng Malacañang na magtatagal lamang ang pagbibigay ng discount ng pamahalaan sa loob ng dalawang buwan. Sinabi ni Presidential Communications Secretary Ramon Carandang na handa lamang sila sa dalawang buwan at mahihirapan nang maipagpatuloy ito.