MANILA, Philippines - Ayaw ng mga regional directors ng Land Transportation Office (LTO) na maibalik sa manual ang transaksiyon sa ahensiya.
Ayon kay LTO Region 5 Director Ramon Roco, Pangulo ng LTO Regional Directors Association , hindi sila papayag na maibalik sa manual ang transaksiyon sa ahensiya dahil babalik sa dating gawi ang transaksiyon sa LTO na lubhang tagal ng pagpoproseso ng rehistro ng mga sasakyan at issuance ng drivers license.
Bukod dito, lalung titindi ang korapsiyon sa ahensiya dahil kapag manual ang operasyon sa LTO, dito papasok ang pagkakaroon ng insidente ng kambal plaka, madaliang mairerehistro ang mga nakaw at smuggled na sasakyan.
Si Roco, kapatid ni dating senador Raul Roco ay nagsabing umaabot sa 1.2 milyon ang transaksiyon sa LTO kada buwan at kapag bumalik sa manual ang operasyon ng ahensiya, hindi kakayanin na mapabilis ang sistema sa operasyon ng ahensiya sa ganitong karaming transaksiyon.
Binigyang diin ni Roco na sa loob ng walong taong computerized ang operasyon ng LTO, napahusay ang kanilang level of efficiency at productivity dahil sa pagre-renew pa lamang ng lisensiya, aabutin lamang ito ng wala pang 30 minuto at mabilis din ang transaksiyon sa pagrerehistro ng sasakyan.
Sinabi ni Roco na kapag nawala ang computerization program sa LTO, mahirap sa mga awtoridad na mawakasan ang operasyon ng sindikato ng carnapping at iba pang criminal activities sa transport sector.
Hindi rin umano sagot sa planong pagtitipid ng LTO ang pag-aalis ng computerization program sa ahensiya dahil malaki rin ang naitutulong ng programa sa paglaki ng kita ng LTO.