MANILA, Philippines - Kinumpirma ng Department of Justice (DoJ) ang sinasabing banta umano sa seguridad kaugnay sa gagawing arraignment ngayon sa mga pangunahing suspect sa Maguindanao masacre.
Ayon kay Justice Usec. Francisco Baraan, nakatanggap umano sila ng intelligence report kaugnay sa balak na guluhin ang gagawing pagbasa ng sakdal kina dating Maguindanao Gov. Andal Ampatuan Sr. at dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Zaldy Ampatuan.
Ngayon ay ika-500 araw mula ng mangyari ang karumal-dumal na pagpatay sa 57 katao sa bayan ng Ampatuan, Maguindanao.
Nabatid kay Baraan, inutos na umano ni Justice Sec. Leila de Lima na mapalitan ang warden at ilang jailguards sa compound ng Bureau of Jail Management and Penology sa lungsod ng Taguig kung saan gaganapin ang pagdinig.
Umaasa naman sila na magiging sapat ang seguridad ng pulisya lalo pa’t maimpluwensiyang tao ang mga sangkot.
Hiniling na rin umano ng DoJ kay DILG Sec. Jesse Robredo ang dagdag na seguridad sa lugar.