MANILA, Philippines - Wala pang natatanggap na anumang tulong ang pamilya nina Sally Ordinario-Villanueva.
Ito ang sinabi ng pamilyang Ordinario sa kabila ng kaliwat kanang pangako ng mga pulitikong sasagutin nila ang pag-aaral ng dalawang anak ni Villanueva.
Ayon kay Ayline Ordinario, nakababatang kapatid ni Sally, hanggang ngayon ay problema pa rin ng kanilang pamilya ang pambili ng damit na isusuot ng kanyang ate Sally oras na dumating na sa bansa ang labi ng kapatid sa Huwebes.
Anya, malaki ang pasasalamat ng pamilya Ordinario sa Tajuna funeral homes dahil sinagot na nito ang kulay puting kabaong na gagamitin ni Sally oras na mailagak ang kanyang labi sa QC.
Tatlo hanggang apat na araw ibuburol ang mga labi ni Sally sa bahay ng kanyang kapatid sa Bgy. Batasan Hills, QC.
Ililipat ang mga labi sa kanyang tahanan sa Echague, Isabela para paglamayan ng dalawang araw bago dalhin sa Tupaz, Isabela sa bahay ng asawang si Hilarion at doon na ililibing.