ILOILO ,Philippines - Hindi pabor si Pangulong Aquino na alisin ang VAT sa produktong petrolyo upang makabawas ito sa presyo ng oil products.
Sinabi ng Pangulo, mas malaki ang mawawala sa gobyerno sa sandaling alisin ang VAT sa petrolyo kaya minabuti niyang aprubahan na lamang ang fuel subsidy bilang tulong sa public utility jeep (PUJ) at tricycle.
Idinagdag pa ni PNoy sa media briefing matapos nitong pangunahan ang pamimigay ng Philhealth cards, land certificates at conditional cash transfer sa mga beneficiaries nito na ginanap sa Iloilo capitol, kapag inalis ang VAT sa oil ay mas maraming proyekto ng gobyerno ang maaapektuhan dahil dito nagmumula ang pondo nito.
Aniya, nasa P1 bilyon ang nakokolekta sa VAT on oil kaya malaking kawalan sa gobyerno kapag pinaboran ito.
Magugunita na inaprubahan ni Pangulong Aquino ang P500M fuel subsidy para sa PUJ at tricycle bilang tulong ng gobyerno sa patuloy na pagtaas ng preyo ng gasolina.