MANILA, Philippines - Sinibak ng Malacañang si Deputy Ombudsman Emilio Gonzales III dahil sa kapabayaan nito sa paghawak ng kaso ng hostage-taker na si Sr. Insp. Rolando Mendoza.
Sinabi ni Communications Sec. Ricky Carandang, nilagdaan ni Executive Secretary Paquito Ohoa Jr. ang dismissal papers ni Gonzales noong Martes.
Magugunita na hinostage ni Mendoza ang isang tourist bus noong Agosto ng nakaraang taon sa Quirino grandstand sa Luneta kung saan 8 Hong Kong tourists ang nasawi dahil sa sobrang pagkadismaya sa nakabinbin nitong kaso sa Ombudsman.
Napag-alaman ng Palasyo na inabot ng ilang buwan na hindi nabibigyang-aksyon ni Gonzales ang kaso ni Mendoza gayung dapat ay 5 araw lamang ito.
Si Gonzales ay matatandaang itinuro ng hostage taker na si Mendoza na nangikil sa kanya ng daan-daang libo para lamang maglabas ng desisyon na pabor sa respondent.
Sa salaysay ni SPO2 Gregorio Mendoza, ginipit ang kaniyang kapatid hinggil sa kaso nito na maaaring naging sanhi kaya ginawa nito ang marahas na pag-hostage at pagpatay sa mga HK tourist.