MANILA, Philippines - Salutatorian sa klase ang panganay na anak ni Sally Ordinario Villanueva, isa sa tatlong Pinoy na nakatakdang bitayin sa pamamagitan ng lethal injection sa bansang China sa darating na Miyerkules, Marso 30.
Ayon kay Maylene Ordinario, nakababatang kapatid ni Sally, ga-graduate sa Grade 6 ang panganay na anak ni Sally na si Princes May Joy, 12 anyos, sa darating na Abril 9 sa Isabela.
Ang bunso at ikalawang anak naman ni Sally na si Lexbird, 10, ay top student sa Grade 4 sa isang pampublikong paaralan sa nasabi ring probinsiya.
Sinabi ni Maylene, nagsikap at nag-aral ng husto ang mga anak ni Sally para mabigyan ng karangalan ang kanilang ina na napilitang mag-abroad para sa kanilang edukasyon at magandang kinabukasan.
Sa ngayon ay inililihim pa umano ng pamilyang Ordinario at Villanueva sa dalawang bata ang nakatakdang pagbitay sa kanilang ina.
“Hindi po namin alam kung paano namin sasabihin sa dalawang bata kapag natuloy ang bitay sa kanilang ina,” ani Maylene sa panayam ng PSN.
Ang mister ni Sally na si Hilario Villanueva ay siyang kasama at nag-aalaga ngayon sa dalawang bata sa Isabela.
Umaasa ang pamilyang Ordinario-Villanueva na papakinggan ng Presidente ng China na si Hu Jintao ang kanilang sulat na umaapila na huwag ituloy ang pagbitay kay Sally.